Gary Granada Lyrics
“Pablong Propitaryo”
At tinawag siyang Pablong Propitaryo
Kaiga-igaya ang buhay sa mundo
Alkaldeng ni minsan ay hindi natalo
Nuno siya ng yaman isang pulitiko
Dagsa ang tauhan na tapat sa kanya
Maraming alalay saan man pumunta
Daming pag-aari at walang kapara
Bukid palaisdaan na ekta-ektarya
Ungkatin ang kanyang nagawa sa bayan
Limos sa dukha’t abuloy sa patay
Tulay irigasyon mga pamilihan
Ay nangapatayo sa kanyang pangalan
Balana’y humanga’t sa kanya’y pumuri
May nangingimbulo’t pumipintakasi
Ngunit propitaryo’y biglang nangunsumi
Sa ‘di karaniwa’t biglang pangyayari
Bantay palaisdaa’t kasama sa bukid
Humugos sa kanyang palasyong matarik
Amo po’y pagbigyan yaring ihihibik
Taasan po’ng parte naming maliliit
Tenga ni Pablo’y dagling nakulili
Nanlisik ang mata nanduro ang daliri
Bakit umaangal sa inyong kahati
Sa batas ko’y sino ang makababali
Pablo mag-isip-isip ka Pablo
Ang iyong mga atraso
Babalik at babalik sa ‘yo
Pablo mag-isip-isip ka Pablo
Ang iyong pang-aabuso
Babalik at babalik
Babalik at babalik
Babalik at babalik sa ‘yo
Umuwing tigagal ang mga tauhan
Sa sagot ng among hindi inaasahan
Sumpa ng tadhana abang kapalaran
Nating mahihirap ay nilalabusaw
Hanggang minsa’y parang apoy na kumalat
Balitang Pablo’y binaril at sukat
Tingga ay naglagos sa dibdib sa utak
Sinong walang puso kaya ang umutas
At ang buong baya’y mangyaring nalagim
Bata’t matanda’y panaho’y nanimdim
Nang Pablo’y iburol sambuwang binimbin
Daming nakiramay daming nakikain
Pablo mag-isip-isip ka Pablo
Ang iyong pang-aabuso
Pablo mag-isip-isip ka Pablo
Ang iyong pang-aabuso
Babalik at babalik
Babalik at babalik
Babalik at babalik sa ‘yo